Dagupan City – Nilinaw ng Dagupan Electric Corporation (DECORP) na ang pagtaas ng singil sa kuryente sa billing ngayong Marso ay hindi konektado sa kamakailang pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Randy F. Castilan, Chief Operating Officer ng DECORP, ang lalabas sa billing ngayong Marso ay batay sa konsumo ng kuryente mula Enero hanggang Pebrero, kaya hindi pa nito saklaw ang epekto ng mga pinakahuling paggalaw sa presyo ng fuel sa pandaigdigang merkado.
Ipinaliwanag niya na ang tensyon sa Middle East na nagdulot ng pagtaas sa presyo ng langis ay posibleng maramdaman pa lamang sa susunod na billing cycle, partikular sa buwan ng Abril, at ito ay maaaring makita sa bahagi ng generation charges.
Gayunman, inamin ni Castilan na may epekto pa rin ang pagtaas ng presyo ng fuel sa operasyon ng kanilang kompanya dahil karamihan sa kanilang mga kagamitan ay gumagamit ng krudo.
Dagdag pa niya, ang rate ng DECORP ay fixed sa loob ng buong taon, kaya hindi ito basta-basta nababago.
Sa kabila nito, umaasa ang kompanya na mananatiling matatag ang kanilang serbisyo sa mga konsyumer.
Sa kasalukuyan, ayon kay Castilan, pinag-aaralan din ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang ilang internal na hakbang upang makatulong sa pagpapalakas ng energy conservation sa bansa.
Ibinahagi rin niya na ang naganap na digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia ay nagkaroon ng epekto sa suplay ng fuel sa pandaigdigang merkado, na nakaapekto rin sa suplay ng coal at kalaunan ay nag-ambag sa pagtaas ng presyo ng kuryente.
Gayunpaman, sinabi niyang hindi naman gaanong mataas ang paggalaw ng presyo dahil may iba pang pinagkukunan ng enerhiya tulad ng coal at solar, na tumutulong upang mabalanse ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
Samantala, hinikayat ng opisyal ang publiko na makiisa sa energy conservation sa pamamagitan ng pagiging disiplinado sa paggamit ng kuryente at pagpapanatiling malinis at maayos ang mga gamit sa bahay upang makatipid sa konsumo.










