Dagupan City – Mga kabombo! ano ang iyung mararamdaman kung malaman mong paid na ang iyung tuition fee sa kolehiyo?
Ngunit hindi lang ikaw, kundi – lahat ng mga mag-aaral sa inyong paaralan?
Ito kasi ang nangyari sa mga estudyante ng Albert Einstein College of Medicine sa New York City matapos ianunsyong bayad na ang kanilang tuition fee.
At nakakagulat pa, ang nagbayad nito ay ang kanilang dating propesor sa private medical school.
Ayon sa ulat, nagsimulang magtrabaho si Dr. Ruth Gottesman sa Albert Einstein College of Medicine noong 1968.
At mula noong September 2022, sumakabilang-buhay ang kanyang asawa na si David Gottesman, isang negosyante at bilyonaryo.
Base sa salaysay, upang magkaroon aniya ng kahalagahan ang naiwang yaman ng kaniyang asawa, nagdesisyon si Dr. Gottesman na magbigay ng $1 billion sa unibersidad bilang pambayad sa tuition fee ng lahat ng nag-aaral dito.
Dahil sa donasyong ito, makatatanggap ng refund ang mga estudyanteng nagbayad na ng kanilang matrikula, habang wala nang babayaran ang mga papasok pa lang sa medical school.
Hindi rin basta-basta ang tuition fee sa unibersidad dahil pumapalo sa $60,000 o mahigit P3.3 million kada taon, na siyang dahilan kung bakit maraming estudyante ang nagkakautang ng P11.2 million matapos nilang maka-graduate.
Kaya para sa mga estudyante, napakalaking tulong ang ginawang kabutihan ng dating propesor dahil makakapag-aral na sila nang hindi inaalala ang pambayad sa matrikula.