Dagupan City – Nadagdagan ang mga voting center sa Dagupan City bilang bahagi ng paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026.
Ayon kay COMELEC Dagupan Election Officer Michael Franks Sarmiento, patuloy ang pagsasaayos ng mga polling center upang mabawasan ang pagsisiksikan at maging mas maginhawa ang pagboto para sa mga residente.
Kabilang sa mga pagbabagong ipatutupad ang paglilipat ng mga botante ng Poblacion Oeste patungong West Central 2, paglipat ng mga botante ng Mamalingling sa Mamalingling Elementary School mula sa dating polling site sa Bolosan, at paggamit ng Salapingao National High School upang makatulong sa pagde-decongest ng mga polling center.
Samantala, inaasahan ding magbubukas ang kauna-unahang mall voting center sa Ilocos Region sa Nepo Mall Dagupan.
Layunin nitong mabigyan ng mas komportable at mas maayos na karanasan sa pagboto ang mga residente, partikular ang ilang botante mula sa Barangay Pantal na maaapektuhan ng limitadong espasyo at pagsasaayos ng kanilang dating polling center.
Ayon pa kay Sarmiento, patuloy ang koordinasyon ng COMELEC sa pamunuan ng mall upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mall voting program.
Inaasahan din ng ahensya na mas marami pang katulad na inisyatiba ang maisasagawa sa hinaharap upang mapalawak ang access at mapabuti ang karanasan ng mga botante sa panahon ng halalan.










