Namataan ang isang barko ng China Coast Guard na sumusunod sa isang sibilyang misyon ng Pilipinas patungo sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea nitong Biyernes ng umaga, Mayo 1, ayon sa civil society coalition na Atin Ito.

Batay sa ulat ng tagapagsalita nitong si Emman Hizon, namonitor ang barko ng CCG na may bow number 3103 bandang 7:20 ng umaga, nasa layong 3.2 nautical miles mula sa barkong MV Kapitan Felix Oca na bahagi ng misyon.

Ang sasakyang pandagat ng Philippine civilian mission ay nasa humigit-kumulang 90 nautical miles mula sa Maynila at 60 nautical miles kanluran ng Mindoro nang mapansin ang presensya ng barko ng China.

--Ads--

Wala pang inilalabas na pahayag ang Chinese Embassy sa Maynila hinggil sa insidente.

Nitong Huwebes, umalis ang ikaapat na civilian mission ng Atin Ito mula sa Pier 15 sa Manila South Harbor, sa isang send-off na dinaluhan ng mga boluntaryo, tagasuporta, media partners, at ilang mambabatas mula sa tinatawag na West Philippine Sea bloc.

Ayon sa mission commander na si Rafaela David, layunin ng misyon na ipakita sa mga lider ng ASEAN na ang West Philippine Sea ay bahagi ng teritoryo ng bansa at dapat ituring na lugar ng kapayapaan at pagkakaisa, hindi ng tensyon o presensyang militar.

Layunin din ng inisyatibo na maghatid ng tulong sa mga residente ng Pag-asa Island at mga mangingisda na naapektuhan ng pandaigdigang krisis sa langis.