Dagupan City – Mas pinaigting ng Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley ang kampanya kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Capacity Development and Regulatory Compliance Activity on the Barangay Drug Clearing Program noong Hulyo 16, 2026 sa Binmaley Manpower and Training Center.
Dinaluhan ng mga opisyal ng barangay at iba pang mga katuwang ng pamahalaan ang aktibidad na naglalayong palawakin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa epektibong pagpapatupad ng Barangay Drug Clearing Program alinsunod sa mga umiiral na batas, polisiya, at pamantayan ng pamahalaan.
Kabilang sa mga tinalakay ang Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, BIDA Program, SICAP-BADAC, Revitalized Pulis sa Barangay, wastong paghahanda ng mga ulat, at ang proseso ng pagdedeklara ng isang barangay bilang drug-cleared.
Pinangunahan ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley ang programa sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Binmaley Municipal Police Station, at mga pamahalaang barangay upang higit na mapalakas ang koordinasyon sa paglaban sa ilegal na droga.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya at mga barangay, layunin ng lokal na pamahalaan na mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat mamamayan at maisulong ang isang ligtas, maayos, at drug-free na Binmaley.










