Inilahad ni Calasiao Mayor Patrick Agustin Caramat ang mga naging pangunahing programa, proyekto, at tagumpay ng kanyang administrasyon sa loob ng unang taon ng panunungkulan sa kanyang kauna-unahang State of the Municipality Address (SOMA).

Sa kanyang talumpati, sinabi ng alkalde na tinanggap niya ang hamon ng pamumuno sa murang edad at pinatunayan na ang mahusay na pamamahala ay nasusukat hindi lamang sa mga pangako kundi sa kongkretong resulta at datos.

Isa sa mga pangunahing binigyang-diin ay ang disaster preparedness at flood mitigation. Ayon kay Caramat, napanatili ng bayan ang “mandatory zero casualty” sa apat na malawakang pagbaha sa unang bahagi ng kanyang termino. Mahigit 20,000 food packs ang naipamahagi sa higit 68,000 residente habang nasa P7.6 milyon ang naipamahaging Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

--Ads--

Ipinagmalaki rin ng alkalde ang mga hakbang laban sa pagbaha, kabilang ang Parongking River Restoration Project, paglilinis ng mga ilog at kanal, pagbuo ng Calasiao Flood Resilience and Mitigation Management Council, at pagpapalawak ng mga programang pangkalikasan.

Sa usapin ng pananalapi, iniulat ni Caramat na nagtala ang lokal na pamahalaan ng zero disallowance mula sa Commission on Audit para sa taong 2025 at unang kalahati ng 2026. Nakamit din ng LGU ang Good Financial Housekeeping recognition mula sa DILG.

Lumago rin umano ang kita ng bayan matapos umabot sa mahigit P89.3 milyon ang locally generated income sa unang quarter ng 2026, katumbas ng 28.33 porsiyentong pagtaas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sa imprastraktura, binigyang-pansin ang pagtatayo at pagpapagawa ng mga paaralan, farm-to-market roads, Super Health Center, bagong himpilan ng pulisya, Disaster Risk Reduction and Management Office, at paglalagay ng solar-powered streetlights sa iba’t ibang lugar.

Sa sektor ng trabaho, iniulat na 294 katao ang natanggap agad sa mga isinagawang Special Recruitment Activities habang 70 porsiyento ng mga nagtapos sa JobStart Philippines Program ang nakahanap ng trabaho. Mahigit 2,100 benepisyaryo rin ang natulungan sa ilalim ng programang TUPAD.

Samantala, pinalakas din ng pamahalaang bayan ang suporta sa agrikultura sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga pataba, pagsasanay sa mga magsasaka, fuel discounts, libreng insurance para sa 1,610 magsasaka, at iba’t ibang veterinary services.

Sa larangan ng kalusugan at serbisyong panlipunan, inilapit ng LGU ang mga serbisyong medikal sa mga barangay, muling binuksan ang RHU II sa Buenlag, at isinusulong ang pagtatayo ng dialysis center. Nagpatuloy rin ang mga programa para sa senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at iba pang sektor.

Ipinagmalaki rin ni Caramat ang digitalization ng mga serbisyo ng munisipyo sa pamamagitan ng Digital Queueing System, HYVE System, PRIME-HR Framework, at Social Service Management System upang mapabilis at maging mas transparent ang mga transaksyon sa munisipyo.

Sa turismo at kultura, iniulat ang pagtaas ng bilang ng mga bumibisita sa Calasiao at ang patuloy na pagpapalakas ng Puto Festival, cultural mapping, at tourism development programs.

Binigyang-priyoridad din ng administrasyon ang edukasyon at kabataan sa pamamagitan ng scholarship programs, school improvement projects, feeding at nutrition programs, at grassroots sports development.

Sa pagtatapos ng kanyang ulat, sinabi ni Mayor Caramat na bagama’t marami nang naisakatuparan ang kanyang administrasyon, marami pa ring kailangang gawin para sa patuloy na pag-unlad ng Calasiao.