Pinalalakas pa ng pamahalaang bayan ng Calasiao ang suporta sa mga magsasaka sa pamamagitan ng mas pinalawak na mga programa sa agrikultura, kabilang ang hindi lamang crop insurance kundi pati life insurance coverage para sa mga benepisyaryo.

Sa isinagawang memorandum of agreement (MOA) signing kasama ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), LGU Calasiao at mga samahan ng magsasaka, tiniyak ng lokal na pamahalaan na mas mapoprotektahan ang kabuhayan at kaligtasan ng mga farmer laban sa kalamidad at iba pang panganib.

Ayon kay Mayor Patrick Agustin Caramat, isa sa mga pangunahing hamon ngayon ay ang mabagal na pagre-release ng palay at abono mula sa national agencies. Dahil dito, nagkasundo ang mga lokal na opisyal na taasan ang pondo para sa agrikultura upang ang LGU na mismo ang bibili ng binhi at abono at direktang ipamamahagi sa mga magsasaka.

--Ads--

Dagdag pa rito, plano ring magpatupad ang LGU ng palay buying program, kung saan ang lokal na pamahalaan na mismo ang bibili ng ani ng mga magsasaka upang matiyak ang mas maayos at patas na presyo ng palay.

Bilang suporta sa produksyon, inilunsad din ang solar-generated irrigation system upang masiguro ang sapat na patubig sa sakahan habang nakababawas sa gastusin sa kuryente.

Kasabay nito, inilunsad ang Farmers Field School, isang programang pang-edukasyon kung saan tinuturuan hindi lamang ang mga magsasaka kundi pati ang kanilang mga pamilya ng makabagong kaalaman at teknik sa pagsasaka.

Sa kabuuan, layunin ng LGU Calasiao na gawing mas sustainable, protektado, at produktibo ang sektor ng agrikultura sa bayan sa pamamagitan ng direktang tulong pinansyal, teknolohiya, at pagsasanay.