DAGUPAN CITY- Inihayag ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) na mas mababa ang naitalang bilang ng mga turista sa Pangasinan noong 2025 bunsod ng matinding epekto ng mga bagyong Emong at Uwan na tumama sa kanlurang bahagi ng lalawigan.

Ayon kay Maria Luisa Amor-Elduayan, PTCAO Department Head, partikular na naapektuhan ang Western Pangasinan kung saan matatagpuan ang ilan sa mga pangunahing destinasyon na karaniwang dinarayo ng maraming turista.

Maraming resort at accommodation establishments ang nakaranas ng pinsala, dahilan upang pansamantalang mabawasan ang kakayahan ng lalawigan na tumanggap ng mga bisita.

--Ads--

Bagama’t bumaba ang estadistika ng turismo, binigyang-diin ng PTCAO na nananatiling maayos at ligtas ang karamihan sa mga destinasyon sa lalawigan.

Mayroon pa ring sapat na alternatibong accommodation na maaaring pagpilian ng mga turista upang matugunan ang kanilang pangangailangan.

Ipinunto rin ng tanggapan na hindi pa matukoy ang eksaktong bilang ng mga turistang inaasahang papasok, subalit umaasa ang pamahalaang panlalawigan na muling mapapasigla ang sektor ng turismo sa pamamagitan ng paglikha ng mga bagong aktibidad at pagbubukas ng karagdagang destinasyon.

Samantala, nakaapekto rin sa turismo at events sector ang pagkasira ng isang pangunahing pasilidad sa kapitolyo ng lalawigan matapos ang pananalasa ng bagyong Uwan.

Dahil dito, pansamantalang nabawasan ang mga kumperensiya at kombensiyong isinasagawa sa lugar habang isinasailalim ito sa pagsasaayos.

Sa kabila ng mga hamon, patuloy ang panawagan ng PTCAO sa katatagan at kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan, tourism stakeholders, at komunidad upang unti-unting makabangon ang turismo sa Pangasinan at muling maibalik ang sigla ng pagbisita sa lalawigan.