Dagupan City – Patuloy na nagpapatupad ng iba’t ibang hakbang ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Dagupan Male Dormitory upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL), lalo na sa panahon ng matinding init ng panahon.
Ayon kay Jail Superintendent Ray C. Cabradilla, Jail Warden ng BJMP Dagupan Male Dormitory, nabawasan na ang matinding init sa loob ng piitan ngayong panahon ng tag-ulan.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga programa at hakbang upang masubaybayan ang kalagayan ng mga PDL at matiyak ang kanilang kaginhawaan at kalusugan.
Aniya na sa kabila ng mataas na heat index na naranasan noong mga nakaraang buwan, wala namang naitalang kaso ng heat-related illnesses sa kanilang pasilidad.
Ito ay dahil sa regular na pagbabantay at pagmomonitor ng mga jail nurse sa kalusugan ng mga PDL.
Dagdag pa niya, hindi rin nila isinasantabi ang isyu ng congestion sa loob ng piitan.
Dahil sinisiguro nilang ang mga aktibidad na isinasagawa para sa mga PDL ay may sapat na bentilasyon upang makatulong sa pagpapababa ng init sa bawat dormitoryo.
Bukod sa mga programang pangkalusugan, patuloy ding isinusulong ng BJMP ang pagtataguyod ng karapatang pantao sa loob ng pasilidad.
Kabilang dito ang pagsasagawa ng mga lecture at information sessions upang maunawaan ng mga PDL ang kanilang mga karapatan at ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay.
Dagdag oa ni Cabradilla, patuloy ang pagsasagawa ng BJMP ng mga health programs, gayundin ng welfare and development programs, bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na mapanatili ang kapakanan ng mga PDL sa harap ng iba’t ibang hamon, kabilang ang epekto ng matinding init ng panahon.
Samantala, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng tiwala ng publiko sa kanilang serbisyo. Aniya, isinusulong nila ang prinsipyong “TRUST” na nangangahulugang Teamwork, Respect and Responsibility, Selfless Service o Self-Discipline, at Transformation.
Ang huling elemento, aniya, ay sumasalamin sa layunin ng BJMP na matulungan ang mga PDL na magkaroon ng positibong pagbabago at maihanda sila sa kanilang muling pagbabalik sa lipunan.










