Dagupan City – Inaasahan ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na makakakolekta ito ng bilyon-bilyong buwis dahil sa lumalaking e-marketplace industry.

Ito’y matapos na isailalim ang online sellers sa withholding tax system.

Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ang pagpapataw ng withholding tax sa merchants sa e-marketplaces ay sinimulan noong Hulyo 15, 2024.

--Ads--

Kung saan sa ilalim ng Revenue Regulation (RR) No. 16-2023, kalahati ng gross remittances ng e-marketplace operations at digital financial services providers sa sellers o merchants’ para sa goods o services na binayaran sa pamamagitan ng kanilang platform ay mapapatawan ng 1% creditable withholding tax.

Ngunit nilinaw ng departamento na ang 1% withholding tax ay hindi kokolektahin kung ang annual total gross remittances sa isang online seller para sa nakalipas na taxable year ay hindi lumampas sa P500,000 at kung ang cumulative gross remittances sa isang online seller sa isang taxable year ay hindi pa lumampas sa P500,000.

Kaugnay nito, umaasa rin si Lumagui na makakamit ng BIR ang collection target nito sa susunod na taon na P3.2 trillion sa tulong ng withholding taxes na makokolekta sa online sellers.