Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection – Bayambang sa publiko na maging handa at huwag mataranta sa oras ng sakuna, lalo na kung may kinalaman sa sunog.
Binigyang-diin ng tanggapan na ang pagkakaroon ng fire extinguisher sa loob ng tahanan o establisimyento ay isang maliit ngunit napakahalagang hakbang upang makapagsalba ng buhay at ari-arian.
Ipinaliwanag ng ahensya na ang maagang pag-apula sa maliit na apoy ay maaaring makapigil sa paglala nito at maiwasan ang mas malaking pinsala.
Dahil dito, hinihikayat ang bawat pamilya na tiyaking may nakahandang fire extinguisher sa kanilang bahay at alam ng mga miyembro ng sambahayan ang tamang paraan ng paggamit nito.
Ayon pa sa tanggapan, ang simpleng pagsasanay at pagiging alerto sa mga posibleng sanhi ng sunog tulad ng faulty wiring, napabayaang kalan, at mga nakasinding kandila ay malaking tulong upang mapanatiling ligtas ang komunidad.
Patuloy ang panawagan ng ahensya sa mamamayan na makiisa sa pagsusulong ng kaligtasan at maging responsableng kabahagi sa pagpapanatiling ligtas ang lahat.









