DAGUPAN CITY- Isinagawa sa lungsod ng Dagupan ang isang public consultation kaugnay sa pagbuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa Republic Act No. 12203 ang batas na naglalayong palawakin ang bed capacity ng Region 1 Medical Center (R1MC) mula 600 patungo sa 1,500.
Pinangunahan ng pamunuan ng R1MC ang konsultasyon, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, mga department head ng ospital, at iba’t ibang sektor ng lipunan.
Layon ng aktibidad na kolektahin ang opinyon, mungkahi, at saloobin ng publiko upang maging mas inklusibo, epektibo, at angkop ang ipatutupad na IRR.
Sa ilalim ng RA 12203, inaasahang mas mapapalawak ang serbisyong medikal sa rehiyon at mas mabibigyan ng agarang tugon ang pangangailangang medikal ng mas maraming pasyente.
Bahagi ito ng mas malawak na adbokasiya ng pamahalaan na iangat ang kalidad at kapasidad ng mga pampublikong ospital sa mga rehiyon.
Ang bagong batas ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Mayo 2025, kasabay ng ika-100 taong anibersaryo ng Region 1 Medical Center—isang makasaysayang pagkakataon para sa institusyong nagsisilbi na ng isang siglo sa kalusugan ng mamamayan sa Hilagang Luzon.
Ang mga kalalabasan ng konsultasyong ito ay inaasahang magsisilbing gabay sa pinal na pagbubuo ng mga patakaran para sa ganap na pagpapatupad ng batas.