Dagupan City – Bumaba ang bilang ng mga operator ng pampasaherong jeep na pumasada ngayong araw sa lalawigan ng Pangasinan.
Ito’y sa kabila ng naunang pahayag ng Alliance United Transport Organization Provincewide (AUTOPRO) Pangasinan na hindi sila lalahok sa malawakang transport strike.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bernard Tuliao, Presidente ng AUTOPro Pangasinan, bagama’t hindi opisyal na nakilahok ang kanilang samahan, may ilang operator pa rin ang hindi bumiyahe.
Aniya, kapansin-pansin kasi na marami ang hindi pumasada kaninang umaga dahil sa nakaambang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.
Dagdag pa ni Tuliao, ito ay maituturing na pakikiisa sa panawagan ng transport strike, dahil hirap na umano ang mga operator ng pampasaherong jeep sa tuloy-tuloy na pagmahal ng produktong petrolyo sa nakaambang P130 kada litro ang presyo ng krudo ngayong linggo.
Samantala, nagbigay na kahapon ng tulong na food packs ang alkalde ng Dagupan City para sa mga apektadong tsuper at operator.
Isa naman sa nakikitang pansamantalang solusyon ng sektor ay ang kusang-loob na pagdagdag ng pamasahe ng mga pasahero upang makatulong sa mga driver dahil luging-lugi na ang mga ito.
Pagbabahagi pa ni Tuliao na may ilang driver na napipilitang maghanap ng ibang pagkakakitaan, tulad ng pagtatrabaho sa construction, pagtitinda, at pangangalakal, upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.










