Dagupan City – Ipinagpatuloy ng pamahalaang barangay ang pagpapatupad ng iba’t ibang proyekto upang mapabuti ang imprastraktura at serbisyo para sa mga residente.
Ayon kay Brgy. Capt. Edwin Paragas ng Barangay Buenlag, bayan ng Calasiao, kabilang sa mga isinakatuparan ang pagkukumpuni ng bubong ng covered court matapos itong masira, upang muli itong magamit sa mga aktibidad ng komunidad, kabilang ang mga gawaing panrelihiyon.
Aniya naipaayos at naisemento na rin ang ilang kalsada, habang pinalitan ang mga ilaw sa lansangan upang mas maging maliwanag at ligtas ang mga daanan.
Patuloy rin ang pag-install ng mga CCTV camera kasabay ng pagpapalit ng linya ng kable upang mas tumagal at maging maayos ang sistema.
Ayon kay Paragas, inayos din ang pathway sa harap ng paaralan, at naglagay ng bakal na railing para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Inaasahan namang malalagyan ito ng bubong bago matapos ang Marso.
Target umano ng barangay na madagdagan ang kanilang kagamitan sa pangongolekta ng basura sa pagdating ng isang bagong garbage truck, na ipapalit sa luma nang sasakyan, upang mas mapabilis ang pagkuha ng basura sa pinakamalaking barangay sa Calasiao.
Isinasagawa rin ang pagsasaayos ng daluyan ng tubig sa bahagi ng Soriano na madalas bahain, kung saan nilalagyan ng malalaking bato at semento upang mapigilan ang pagguho ng lupa.
Malapit na ring makumpleto ang nasabing proyekto.
Bukod dito, abala rin ang barangay sa paghahanda para sa pista sa Abril, habang patuloy na tinutugunan ang mga hinaing at pangangailangan ng mga residente.










