Dagupan City – Ipinahayag ng Pamahalaang Bayan ng Bani ang patuloy na pagsisikap nito na protektahan ang interes ng mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng mas maayos at organisadong sistema ng bentahan ng ani.
Ayon kay Vice Mayor Gwen Palafox-Yamamoto, isinusulong ng lokal na pamahalaan ang pagiging responsable at patas sa pakikitungo sa mga magsasaka upang matiyak na maibebenta ang kanilang ani lalo na sa mga panahong nalalapit na itong masira.
Layunin ng LGU na maiwasan ang panlalamang ng ilang buyer at masiguro na may babalikan ang mga magsasaka sa oras na kailangan nila.
Bilang bahagi ng inisyatiba, bumuo ang LGU ng isang asosasyon ng mga magsasaka kung saan maaaring maging kasapi ang lahat. Kabilang din sa hakbang ang accreditation ng mga buyer ng lokal na pamahalaan upang masubaybayan at mapanagot ang mga ito sakaling hindi tumupad sa kanilang kasunduan.
Bukod dito, nagsasagawa rin ang LGU ng mga pagsasanay upang maturuan ang mga magsasaka kung paano makipagtransaksyon nang maayos at may sapat na kaalaman sa mga buyer.
Mula sa dating sistemang nakabatay lamang sa tiwala, mas pinagtitibay ngayon ang kooperasyon at pagtutulungan sa pagitan ng magsasaka, buyer, at lokal na pamahalaan para sa kapakinabangan ng lahat.










