DAGUPAN CITY- Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa pagkakakilanlan ng isang lalaking bangkay na natagpuang inaanod ng agos sa Angalacan River sa Barangay Osiem, bayan ng Mangaldan
Ayon kay PLt.Col. Perlito Tuayon, Chief of Police ng Mangaldan PNP, natagpuan ang katawan pasado alas-dose ng tanghali.
Sa kasalukuyan, nahihirapan ang mga awtoridad na matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima dahil sa kalagayan nitong halos naaagnas na nang matagpuan.
Batay sa paunang pagsusuri ng doktor, posibleng nalunod ang lalaki, ngunit hindi rin isinasantabi ng PNP ang posibilidad na may foul play na sangkot sa insidente.
Sa ngayon, minabuti na munang ilibing pansamantala ang bangkay bilang pagsunod sa rekomendasyon ng medical examiner.
Bukas naman ang pulisya sa sinumang nais mag-ulat o mag-claim ng kaanak na nawawala, lalo na’t wala pang malinaw na pagkakakilanlan ang nasawi.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon habang inaalam pa kung may mga posibleng saksi o ebidensyang makakatulong sa paglilinaw ng insidente.