Dagupan City – Nagresulta ng pagkakasugat ng dalawang driver sa kanilang katawan dahil sa pagkakasangkot sa banggaan ng kanilang minamanehong motorsiklo at traysikel sa bayan ng San Jacinto.
Nangyari ito sa National Road ng Brgy. Guibel sa nasabing bayan kung saan kinilala ang mga ito na isang 47 taong gulang, may asawa, at 60 taong gulang, may asawa rin.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng motorsiklo ang daan mula hilaga patungong timog nang biglang pumasok ang traysikel mula kanluran patungong hilaga, na nagresulta sa kanilang pagbangga.
Dahil sa impact nagtamo sila ng mga sugat sa kanilang katawan kaya agad na dinala ang lahat ng nasugatan sa Mapandan Community Hospital para sa medikal na eksaminasyon at paggamot habang ang backrider ng motorsiklo at ang mga sakay ng traysikel ay hindi nasaktan.
Ang mga nasirang sasakyan ay nasa kustodiya na ng San Jacinto Police Station para sa karagdagang imbestigasyon kung saan hindi pa matukoy ang halaga ng pinsala sa mga sasakyan.