Inaasahang matatanggap na ngayong linggo ng mga jeepney driver at operator dito sa lungsod ng Dagupan ang kanilang ayuda mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Bernard Tuliao, presidente ng Alliance United Transport Organization Provincewide (AUTOPRO) Pangasinan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nagkaroon na ng initial na paglalabas ng ayuda mula sa LTFRB.

Gayunman, hindi pa kumpleto ang listahan ng mga benepisyaryo kaya pansamantalang idineposito sa bangko ang tseke na inilaan lamang para sa 18 driver mula sa humigit-kumulang 200 na nasa talaan.

--Ads--

Dagdag pa ni Tuliao, nagsumite rin sila ng mga GCash number ng mga driver upang doon na lamang direktang ipapadala ang matatanggap na tulong, kasabay ng pagproseso ng mga tseke mula sa LTFRB.

Sa kasalukuyan, inaayos pa ang ilang teknikal na isyu sa listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang ang mga detalye tulad ng middle initials at mga identification records ng mga benepisyaryo.

Samantala, hangad nilang maibaba na sa dating presyo na P52-P55 ang kada litro ng diesel.

Iginiit din ni Tuliao na panahon na upang pag-aralan ang posibleng pagtaas ng pamasahe, bunsod ng patuloy na paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo. Sa ngayon, nananatili sa ₱13 ang pamasahe sa unang apat na kilometro.