Pinuna ni dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang legal na hakbang na isinagawa ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kaugnay ng mga petisyong inihain laban sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Panelo, mali ang naging desisyon na maghain ng mga petisyon para sa writ of amparo, certiorari, prohibition, at Temporary Restraining Order (TRO) sa Korte Suprema.

Giit niya, ang tamang remedyo ay dapat na writ of habeas corpus upang agad na ma-question ang bisa ng arrest warrant.

--Ads--

Ito ay matapos ibasura ng Korte Suprema, sa botong 9-5-1, ang petisyon ni Dela Rosa na naglalayong pigilan ang implementasyon ng ICC arrest warrant.

Ipinaliwanag ni Panelo na kung habeas corpus ang inihain, mas mabilis sanang natutukan ang usapin ng legalidad ng warrant.

Aniya, “Kay Senator Dela Rosa at sa abogado niya, I told you so. Mali ang finile ninyo. Hindi dapat certiorari, amparo, TRO at injunction. Dapat ang finile ninyo ay habeas corpus.”

Binigyang-diin ni Panelo na ang wastong paggamit ng legal na remedyo ay kritikal sa pagharap sa mga kasong may kinalaman sa international na korte at sa karapatan ng isang akusado.