DAGUPAN CITY- Emosyonal pa rin at tila sariwa pa sa isipan nang magbalik tanaw ang isa sa mga kaanak ng mga biktima sa kampanya kontra iligal na droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pangyayari kung kailan nawala ang kanilang mahal sa buhay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Arlene Campo Gibaga, isa sa mga kaanak ng nasabing biktima ng kampanya, pinasok ng 15 pulis ang kanilang eskinita sa Tondo kung saan hinahanap ang ID ng kaniyang asawa.
Nang kanilang ipinakita ang isa sa mga ID ng kaniyang asawa ay hindi na siya pinababa pa sa kanilang pamamahay at narinig na lamang nila sa mga kapulisan na kumpirmado umano ang kanilang hinahanap.
Dito na nila narinig ang mga pamamaril sa kaniyang asawa sa paanan nito hanggang sa tinuluyang sa nagtuloy-tuloy na.
Hanggang sa namalayan niyang nakatutok na rin sa kaniya ang baril ng isang pulis at pinapasok siya sa kanilang pamamahay.
Ilang saglit lamang nang matapos ang mga pamamaril ay tinawag na siya ng hepe ng mga kapulisan. Bago siya dalhin sa prisinto ay napansin niyang wala na rin ang kaniyang asawa sa labas ng kanilang pamamahay.
Ayon sa kanilang pag-uusap, 3 indibidwal ang kanilang pinaghahanap at bigo silang makita ang mga ito. Humingi lamang ng patawad ang hepe sa nangyari at saad nito na iniutos lamang ito sa kanila.
Labis ang pag-iyak ni Gibaga nang aniya, natagpuan na lamang niya ang kaniyang asawa sa punerarya.
Kabilang naman sa nasawi sa pamamaril ay ang kaniyang tiyuhin at isa pang indibidwal na bata pa ang edad.
Sinabi naman ni Gibaga na hindi nila nagawang magsampa ng kaso dahil nang bumalik sa kanila ang mga pulis ay pinapirma sila ng dokumento kung saan nakasaad na madadamay silang mag-ina kung magreklamo sila.
Nagdulot naman ito ng takot sa kanilang pamilya kung saan halos hindi na sila makalabas ng kanilang pamamahay.
Samantala, sa pagkakaaresto ni Duterte ay hindi pa nila dama ang buong hustisya dahil marami pa silang nais na mapanagot.
Gayunpaman, nakaramdam pa rin sila ng tuwa nang mabalitaan ito at mahaharap na sa International Criminal Court (ICC).
Nagpapasalamat naman sila sa Programang Paghilom at kay Fr. Flavie Villanueva sa pagsuporta sa kanila nang mawalan sila ng mahal sa buhay.