DAGUPAN CITY — Muling umusad sa Kamara ang talakayan hinggil sa mga panukalang batas laban sa political dynasty, ngunit ayon kay Atty. Izah Katrina T. Reyes, Policy Specialist, Legal Network for Truthful Elections (LENTE), nananatiling hamon kung hanggang saan talaga dadalhin ng Kongreso ang mga panukalang ito.
Sa panayam, iginiit ni Reyes na hindi na bago ang anti-dynasty bills, sapagkat halos apat na dekada na itong isinusulong mula pa noong ratipikasyon ng 1987 Constitution. Gayunman, sa kabila ng malinaw na probisyon ng Saligang Batas na nagbabawal sa political dynasty, wala pa ring naipapasang enabling law na magbibigay ng malinaw na depinisyon at regulasyon nito.
Ipinaliwanag niya na sa pinakasimpleng pakahulugan, maituturing na political dynasty kapag mahigit dalawang magkakamag-anak ang sabay-sabay na humahawak ng posisyon sa gobyerno, lokal man o nasyunal.
Aniya, nagdudulot ito ng monopolyo sa kapangyarihan na nagiging ugat ng korupsiyon at kawalan ng epektibong checks and balances.
Iniuugnay rin ni Reyes ang paglaganap ng political dynasties sa mga kontrobersiya tulad ng flood control projects na may malalaking pondo ngunit kulang o walang malinaw na resulta. Aniya, kapag iisang pamilya ang may kontrol sa lehislatibo at ehekutibo sa isang lugar, nagiging madali ang pag-abuso sa pondo ng bayan.
Sa usapin naman ng halalan, sinabi ni Reyesna ang mga political dynasty ay may malinaw na bentahe dahil sa pera, impluwensiya, at paggamit ng government resources, dahilan kung bakit mahalaga ang isang matibay na anti-dynasty law upang maging mas patas ang laban, lalo na para sa mga ordinaryong mamamayan na nais magsilbi sa gobyerno.
Bilang paalala sa mga nagnanais tumakbo sa nalalapit na halalan, hinikayat ni Reyes ang publiko na ituon ang pansin hindi sa apelyido o yaman ng kandidato, kundi sa kakayahan, plataporma, at malasakit sa komunidad, lalo na sa antas ng barangay at Sangguniang Kabataan na pinakamalapit sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan.
Sa huli, giit niya, ang tunay na laban kontra political dynasty ay hindi lamang nasa batas, kundi sa kamalayang politikal ng mga botante.










