DAGUPAN CITY- Nakiusap si Dagupan City Mayor Belen Fernandez sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyakin ang eksakstong araw ng pagbabalik ng pamamahagi ng fuel subsidy para sa public transportation.
Ayon sa alkalde, patuloy naman nilang kinakausap ang naturang hanay sa syudad subalit, hindi mawala ang pangamba ng mga miyembro nito na aabutin ng taon bago nila matanggap ang pinangakong ayuda.
Hindi rin aniya nila masisisi ang mga ito dahil sa kahirapang kumita ngayon ng mga miyembro ng transport sector at karamihan ay nalulugi na lamang dahil sa napakataas na presyo ng produktong petrolyo.
Siniguro naman niya ang mga ito na hindi na muling mauulit ang matagal na proseso dahil sa sinserong pagtugon ng gobyerno.
Bagaman may ilang nawawala ang pangalan sa listahan ng mga makakatangap, aniya, normal lamang ito at hindi na bago sa ganitong programa, subalit ay nasosolusyonan din.










