Dagupan City – Isang 47-anyos na lalaki ang naaresto matapos salakayin ng mga awtoridad ang kaniyang tirahan sa Barangay Tanaytay, Alaminos City, kung saan natagpuan ang 27 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱183,600.

Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng search warrant pasado alas-2 ng hapon, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na tubong Mabini, Pangasinan at kasalukuyang naninirahan sa nasabing lungsod.

Bukod sa hinihinalang droga, narekober din sa loob ng bahay at bakuran ang mga kagamitang pinaniniwalaang ginagamit sa paghahanda at pagtitimbang nito.

--Ads--

Kabilang dito ang digital weighing scale, mga plastic sachet, gunting, glass tube pipe, tooter, aluminum foil at isang itim na coin purse.

Dinala sa kustodiya ng mga awtoridad ang suspek para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng nasabing operasyon.