Tiniyak ng pamunuan ng Barangay Caranglaan na nasa “zero” na ang kaso ng paggawa ng ilegal na paputok at paggamit ng “boga” sa kanilang nasasakupan habang papalapit ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa isang panayam, ipinagmalaki ni Kap. Gregorio Claveria Jr. na naging matagumpay ang kanilang kampanya kontra boga matapos kumpiskahin at sirain sa harap ng publiko ang mga nakuhang boga sa nakalipas na dalawang taon, kasabay ng tuloy-tuloy na pagpapaalala sa social media.

Aniya, malaking tulong ang kooperasyon ng mga magulang na mismong nagsusuko ng boga ng kanilang mga anak at ng mga concerned citizen na agad nag-uulat sa barangay, kaya’t wala pang naitatalang nasugatan o naaksidente rito sa kanilang lugar.

--Ads--

Puspusan din ang pag-iikot ng barangay council, chief tanod, at barangay security force katuwang ang kapulisan upang isa-isang bisitahin ang mga dating gumagawa ng paputok partikular sa bahaging malapit sa boundary ng Bacayao Norte kung saan nagkaroon ng insidente ng pagsabog at sunog noong nakaraang taon.

Saad pa ni Claveria, kinasuhan na at boluntaryong tumigil ang mga dating sangkot sa ilegal na gawain dahil sa pinaigting na presensya ng pulisya.

Kasabay nito, buong-buo namang sinuportahan ni Kap. Claveria ang direktiba ng alkalde ng Dagupan na panagutin ang mga punong barangay sakaling may mangyaring hindi maganda o aksidente kaugnay ng paputok sa kanilang nasasakupan.

Binigyang-diin niya na dahil hindi kayang bantayan nang mag-isa ng alkalde ang buong lungsod, nararapat lamang na maging kaakibat ang mga opisyal ng barangay at kapulisan sa pagbabantay upang mapangalagaan ang buhay ng mga residente.

Nanawagan ang kapitan sa kanyang mga kabarangay na agad ipagbigay-alam sa barangay hall o sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kung may makikitang gumagawa ng ilegal na paputok o gumagamit ng boga para sa agarang aksyon.