Umabot sa 40°C ang heat index sa Dagupan City nitong alas-tres ng hapon, ngayong araw ng Lunes, Nobyembre 23, 2026 batay ito sa naitalang weather monitoring ngayong araw.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) weather specialist, Gener Quitlong, inaasahan umanong mananatili ang mataas na init ng panahon sa mga susunod na araw bunsod ng paghina ng hanging Amihan sa rehiyon.
Bukod dito, sinabi ni Quitlong na bagama’t inaasahang babalik ang mas malakas na epekto ng amihan sa Huwebes at may ilang mga naitalang pag-ulan sa lugar, ay wala umanong namomonitor na bagyo o low pressure area (PAR) na inaasahang magdudulot ng malakas na pag-ulan sa lungsod.
Samantala, nabanggit din ni Quitlong na nasa 19 na bagyo na ang naitala sa bansa ngayong taon at tinatayang may tatlo hanggang apat pang bagyo ang maaaring pumasok bago matapos ang 2026.
Kaugnay nito, nakatakdang magsagawa ng climate forum sa Miyerkules upang talakayin ang kasalukuyang kondisyon ng El Niño at kung lalampas ito sa 2.4 degrees Celsius na naitalang pinakamataas na pagtaas ng temperatura sa panahon ng El Niño noong 1982 hanggang 1983.
Hinimok din ni Quitlong ang publiko na hangga’t maaari ay iwasang lumabas ng bahay sa pagitan ng alas-onse ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon upang maiwasang maramdaman ang pinakamainit na panahong epekto ng Very Strong El Niño.










