Pinaiigting ng National Meat Inspection Service Region 1 ang monitoring sa mga karneng ibinebenta sa mga pamilihan upang matiyak na dumaan ang mga ito sa tamang inspeksyon at ligtas kainin ng publiko.

Ayon sa National Meat Inspection Service Region 1, dapat may kaukulang dokumento ang mga meat vendor tulad ng inspection certificate at certificate of meat inspection, at dapat maayos ang kulay, walang amoy at hindi malansa ang karneng ibinebenta.

Hindi sapat na sabihing sariwa o bagong katay ang karne, dahil kailangan din itong dumaan sa inspeksyon sa bahay-katayan.

--Ads--

Isinasagawa ang dalawang yugto ng inspeksyon. Una ang ante-mortem inspection habang buhay pa ang hayop upang tingnan kung may sintomas ng sakit. Kapag may sakit ang hayop, hindi ito maaaring katayin.

Kasunod nito ang post-mortem inspection matapos katayin ang hayop, kung saan sinusuri ang mga internal organ at kabuuang kondisyon nito upang matiyak na ito ay fit for human consumption.

Pinayuhan din ang mga mamimili na bumili lamang sa mga meat vendor na sumusunod sa mga regulasyon at nagbebenta ng karneng dumaan sa bahay-katayan.

Pinayuhan din ang mga nag-aalaga ng baboy na agad i-report sa Municipal Agriculture Office kung may nanghihina o biglang namamatay na alaga upang masuri kung ito ay dulot ng African Swine Fever at maiwasan ang pagkalat nito sa iba pang babuyan.