Pinaigting ng Binmaley Municipal Police Station ang pagbabantay at traffic management sa mga pangunahing tulay sa bayan, partikular sa Manat Bridge at Curambeng Bridge, upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng trapiko at matiyak ang maayos na daloy ng mga sasakyan.
Ayon kay PLtCol. Lister A. Saygo, Chief of Police ng PNP Binmaley, araw-araw na nagdedestino ng mga pulis sa mga nasabing lugar upang umalalay sa mga motorista at agad na maaksyunan ang anumang aberya sa daloy ng trapiko.
Bagama’t karaniwang tuloy-tuloy ang daloy ng mga sasakyan, nagkakaroon pa rin ng mahahabang pila tuwing long weekends, brownout at mga okasyong nagdudulot ng pagdami ng mga bumibiyahe. Kabilang din sa mga nakaaapekto ang sabayang paglabas ng mga empleyado ng pamahalaan at mga aktibidad sa lalawigan.
Ayon kay Saygo, kahit bumabagal ang daloy ng trapiko tuwing rush hour, partikular dakong alas-siyete ng umaga at alas-singko hanggang alas-sais y medya ng hapon, naiiwasan naman ang tuluyang pagbara ng mga sasakyan dahil sa presensya at estratehiya ng mga nakatalagang pulis.
Bilang alternatibong ruta, hinihikayat ang mga motorista na gamitin ang bukas nang Kamalay Road patungo sa boundary ng Gayaman, na maaaring daanan ng mga biyaheng papuntang Dagupan City at San Carlos City upang mabawasan ang mga sasakyang dumaraan sa sentro ng Binmaley. Maaari ring gamitin ang ruta sa Barangay Gayaman at Santa Rosa patungo sa Camaley Road.
Nagpatupad din ang pulisya ng mga restriksyon sa ilang lugar kung saan ipinagbabawal ang pagsakay at pagbaba ng mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan, kabilang ang mga jeepney at bus, upang hindi makahadlang sa daloy ng trapiko.
Patuloy rin ang pagbabantay ng kapulisan sa mga kritikal na lugar gaya ng Caltex Junction, Tuloy, Manat Bridge at Curambeng Bridge upang maiwasan ang mga banggaan at hindi pagkakaunawaan ng mga motorista na maaaring magdulot ng mas matinding pagsisikip.
Samantala, pinayuhan ang publiko na subaybayan ang mga anunsyo sa opisyal na Facebook page ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley hinggil sa mga posibleng pagsisikip ng trapiko, lalo na tuwing may mga okasyon at mahabang holiday.
Hinimok din ang mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho at agad na makipag-ugnayan sa pulisya sakaling masangkot sa anumang aksidente upang mabilis na maaksyunan at maibalik sa normal ang daloy ng trapiko.










