Arestado ang isang lalaking kinilalang si alyas Barako matapos makumpiskahan ng higit P405,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Pantal, Dagupan City.

Isinagawa ang operasyon dakong 5:40 ng umaga noong Nobyembre 17, 2026, ng Philippine National Police Drug Enforcement Group Pangasinan Team 2 katuwang ang Dagupan City Police Station 4, Philippine Drug Enforcement Agency Pangasinan, Pangasinan Police Intelligence Unit at Pangasinan Police Drug Enforcement Unit.

Nakumpiska mula sa suspek ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 59.58 gramo at may standard drug price na P405,144.

--Ads--

Ayon sa Philippine National Police Drug Enforcement Group Pangasinan, matagal nang minamanmanan ang suspek at kabilang siya sa mga tinututukang drug personality sa Dagupan at mga kalapit na lugar.

Patuloy ang follow-up operations ng mga awtoridad kaugnay sa pinagkukunan ng supply ng suspek.