Dagupan City – Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng isang lalaking nasawi matapos umanong tumalon mula sa Bued Bridge sa Barangay Agat sa bayan ng Sison.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Sison Municipal Police Station (MPS), nakita ng isang saksi ang biktima na umakyat at tumayo sa konkretong harang sa southbound lane ng tulay na nag-uugnay sa mga lalawigan ng Pangasinan at La Union bago ito biglaang tumalon.
Bumagsak ang lalaki sa mabatong bahagi ng ilog na nagresulta sa malubhang pinsala sa kaniyang ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Sison MPS at Bureau of Fire Protection (BFP) upang isugod ang biktima sa Pozorrubio Community Hospital, ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Inilarawan ng pulisya ang biktima na nakasuot ng asul na shorts at asul na T-shirt na may tatak na “PARIS.”
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa insidente at mahanap ang pamilya ng biktima.










