Aabot sa tinatayang ₱1,760,000 ang halaga ng mga hinihinalang illegal na sigarilyo ang narekober ng mga awtoridad matapos itong matagpuang palutang-lutang sa bahagi ng karagatang sakop ng Abagatanen Beach sa Barangay Macaboboni sa bayan ng Agno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Major Noeralyn R. Tamayo, Officer-in-Charge ng Agno Municipal Police Station, nasa kabuuang 16 na kahon ng sigarilyong may markang “President” ang nakuha ng mga lokal na mangingisda may 16 nautical miles ang layo mula sa baybayin.
Sa isinagawang imbentaryo ng pulisya kasama ang Pangasinan Maritime Police, napag-alaman na 15 sa mga kahon ang naglalaman ng tig-50 reams, habang 38 reams naman ang laman ng isa pang kahon na nabuksan na kung saan aabot sa kabuuang 788 reams.
Base sa kasalukuyang presyuhan ng nasabing sigarilyo nasa ₱127 ito kada pakete kaya pumalo sa mahigit ₱1.76 milyon ang kabuuang halaga ng mga kontrabando.
Ayon kay Tamayo, agad na dinala ng mga mangingisda ang mga kahon sa dalampasigan at nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay, na siya namang nag-report sa PNP at Philippine Coast Guard (PCG) Agno.
Aniya na marami pa umano ang nakita sa dagat ng mga mangingisda ngunit dahil sa liit ng kanilang bangka ay hindi na nakuha ang iba pang palutang-lutang na kahon.
Pinaniniwalaan ng pulisya na may kaugnayan ang insidenteng ito sa mga kahalintulad na kontrabando na una nang narekober sa karatig-bayan ng Bani, dahil magkapareho ang tatak ng mga sigarilyo.
Paliwanag ng opisyal, posibleng ginagawang daanan o bagsakan ng mga smuggler ang tahimik na baybayin sa kanilang nasasakupan dahil may nauna nang pangyayari noong nakaraang buwan na nakapagsabat sila ng illegal na sigarilyo na isinakay sa closed van na may 278 na kahon na umabot ang halaga sa mahigit 17 milyon pesos kung saan 2 Indibidwal ang nahuli.
Pagbabahagi nito na nai-turn over na ang lahat ng nakumpiskang sigarilyo sa Pangasinan Maritime Police para sa kaukulang disposisyon at paglilipat sa kaukulang ahensya.
Kasabay nito, mas pinaigting na ng Agno PNP ang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay, mga residente, at iba pang ahensya upang bantayan ang kanilang baybayin, habang nagbabala naman sa mga lokal na negosyante laban sa pagbebenta ng mga iligal na sigarilyo.










