Dagupan City – Magkakaloob ng libreng konsultasyon para sa kalusugan ng isip ang Asingan Rural Health Unit (RHU) para sa mga residente ng bayan sa darating na Huwebes, Nobyembre 19, 2026.

Pangungunahan ng mga espesyalista mula sa Region 1 Medical Center (R1MC) ang nasabing serbisyo na tatakbo mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.

Layunin ng aktibidad na ilapit sa publiko ang payong medikal at tulungan ang mga mamamayan na mas maunawaan ang kanilang mental health, alinsunod sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11036 o ang Philippine Mental Health Act.

--Ads--

Gayunman, nililimitahan lamang sa unang 40 pasyente ang maaaring mapaglingkuran sa nasabing araw.

Dahil dito, hinihikayat ang publiko sa mga interesadong residente na agad magpa-reserve ng slot sa pamamagitan ng pagpapadala ng private message.

Bukod sa direktang medikal na atensyon, isinusulong din ng programang ito ang mas bukas na talakayan tungkol sa mental health upang tuluyang mabura ang stigma o negatibong pagtingin na madalas humahadlang sa iba na humingi ng tulong.

Ipinaaalala ng mga tagapagtaguyod ng programa na ang pagpapatingin sa isang espesyalista sa kalusugan ng isip ay hindi tanda ng kahinaan, kundi isang mahalaga at responsableng hakbang sa pangangalaga ng sarili, gaya lamang ng pagpapakonsulta para sa pisikal na karamdaman.