Hinikayat ng Lingayen Police Station ang mga paaralan na mas higpitan ang pagbabantay at pag-inspeksyon sa mga gamit ng mga estudyante upang maiwasang makapasok sa loob ng paaralan ang mga patalim, armas, at iba pang bagay na maaaring magamit sa pananakit.

Ayon kay PMAJ Mark Joel Medios, Deputy Chief ng Lingayen Police Station, mahalagang magkaroon ng mahigpit na pagbabantay sa mga pumapasok sa paaralan, lalo na sa mga dala nilang bag at personal na gamit.

Paliwanag ni Medios, dapat tiyakin ng mga guwardiya at iba pang nakatalaga sa seguridad ng paaralan na walang dalang kontrabando o anumang mapanganib na bagay ang mga estudyante at iba pang pumapasok sa kanilang paaralan.

--Ads--

Kabilang sa mga dapat bantayan ang mga patalim at iba pang bagay na posibleng gamitin sa pananakit na maaaring magdulot ng gulo o mas malalang insidente sa loob ng paaralan.

Binigyang-diin din ng opisyal na mahalaga ang aktibong papel ng mga guwardiya at school personnel sa pagpapatupad ng mga hakbang pangkaligtasan.

Bukod dito, patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga paaralan sa pamamagitan ng mga lecture at programa tungkol sa pag-iwas sa bullying, krimen at ilegal na droga.

Muli namang binigyang-diin ng pulisya na mahalaga ang pagtutulungan ng mga paaralan, guwardiya, magulang at mga awtoridad upang mapanatiling ligtas ang mga estudyante.

Layunin ng mga hakbang na ito na maiwasan ang pagdadala ng mga mapanganib na bagay sa loob ng paaralan at maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa posibleng pananakit at karahasan.