Dagupan City – Kapwa may interes ang Pilipinas at Australia sa pagpapalakas ng kanilang ugnayan sa depensa at seguridad sa ilalim ng umiiral na kasunduan ng dalawang bansa.
Ito ang binigyang diin ni Bombo International News Correspondent Denmark Suede. Kung saan ay ipinaliwanag ni Suede na mahalaga ito sa Australia, lalo na sa posibilidad ng pagharang sa Taiwan na maaaring magdulot ng mas malaking suliranin sa seguridad at kalakalan sa rehiyon.
Kabilang dito ang Philippines-Australia Army-to-Army Exercise Kasangga 2026-02 na isinagawa sa 8th Division Training School sa Hinabangan, Samar, mula Oktubre 19 hanggang Nobyembre 11. Lumahok dito ang 144 na sundalong Pilipino at 90 sundalong Australiano.
Nakatuon ang pagsasanay sa pagpapahusay ng kanilang kakayahan sa intelligence operations, troop maneuver, fire support, logistics at force protection upang mapalakas ang kanilang koordinasyon sa mga magkasanib na operasyong militar.
Ayon pa kay Suede, kabilang din sa mga pinag-uusapang usapin ang pagsasagawa ng Australia ng mga pagsasanay militar at ang pagpapalawak ng kanilang kooperasyon sa depensa.
Gayunman, binigyang-diin niyang may kaugnayan din ito sa estratehikong pagtutok ng Australia sa China.
Samantala, tinalakay rin ni Suede ang epekto ng tensiyon sa Taiwan sa pandaigdigang ekonomiya, partikular sa suplay ng semiconductor chips na mahalaga sa iba’t ibang industriya.
Binanggit din niya ang patuloy na paglipat ng mga mamimili sa Australia sa mga de-kuryenteng sasakyan dahil sa mataas na gastos sa paggamit ng mga sasakyang de-gasolina, bagama’t nananatili ang ilang usapin sa kalidad ng mga electric vehicle.









