Muling ipinakita ni Christopher Aldo Sibayan, pangulo ng Samahan ng Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA), ang suporta sa adbokasiya ng boluntaryong pagdo-donate ng dugo sa pamamagitan ng pakikiisa sa Dugong Bombo 2026 na may temang A Little Pain, A Life to Gain.

Sa kanyang paglahok sa blood donation activity, nakapag-donate si Sibayan ng 500 milliliters ng dugo sa kabila ng pagiging unang pagkakataon niyang makaranas ng paggamit ng malaking karayom sa naturang proseso.

Ayon kay Sibayan, naging maayos naman ang kanyang karanasan dahil sa mahusay na pangangalaga ng mga medical personnel at wala rin siyang naramdamang anumang masamang epekto matapos ang donasyon.

--Ads--

Binigyang-diin niya na malaking bagay ang simpleng pagdo-donate ng dugo dahil maaari itong makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng blood transfusion, kabilang ang mga sumasailalim sa dialysis at may mga karamdaman tulad ng leukemia.

Ikalawang taon na ring nakikiisa ang SAMAPA sa blood donation initiative ng Bombo Radyo Philippines. Aniya, naging dahilan ng kanilang patuloy na pakikipagtulungan ang pagkakataong makatulong sa kapwa at makapagbigay ng pag-asa sa mga nangangailangan ng dugo.

Hinimok din niya ang publiko na suportahan ang naturang adbokasiya at makilahok sa mga blood donation activity upang makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo.

Nagpasalamat din si Sibayan sa pamunuan ng Bombo Radyo Philippines sa patuloy na pagsasagawa ng programa na naglalayong makalikom ng dugo para sa mga nangangailangan nito.