Isinagawa ngayong Nobyembre 14, 2026 ang Dugong Bombo ng Bombo Radyo Philippines Foundation sa Nepo Mall Dagupan, katuwang ang Philippine Red Cross, kasabay ng sabayang blood donation sa mga key cities nationwide.
Nakiisa sa aktibidad ang mga boluntaryong donor, kabilang ang isang donor na nilinaw na hindi ito ang kanyang first time na mag-donate. Aniya, kanina pa ng umaga ay nais na niyang magpakuha ng dugo para makatulong sa mga kababayan, kahit maliit man ang maitutulong niya sa kapwa.
Nakiisa rin ang isang regular donor na lagi umanong sumasama sa blood donation ng Bombo Radyo. Aminado siya na kahit datihan na, may halong kaba at kirot pa rin sa tuwing magdo-donate. Ngunit mas nangingibabaw pa rin ang saya dahil alam niyang makakatulong ang kanyang dugo sa mga nangangailangan.
Ayon sa regular donor, sa ngayon ay hindi pa siya nangangailangan ng dugo. Ngunit habang tumatanda, darating din umano ang panahon na siya rin ay mangangailangan. Kaya nagpasalamat siya sa mga nagdo-donate na kagaya niya.
Inaanyayahan ng dalawang donor ang publiko na makiisa sa mga susunod pang blood donation. Anila, sa maliit na tulong na ibinigay sa pag-donate ng dugo ay malaking tulong na ito para sa mga nangangailangan, at puwede pa itong gawin anumang oras.










