Dalawang menor de edad ang nasugatan matapos saksakin ng kapwa menor de edad na umano’y nakaalitan ng mga ito sa loob ng Mapandan Auditorium sa Barangay Poblacion, Mapandan, noong Nobyembre 10, 2026, pasado alas-diyes ng gabi.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Mapandan Municipal Police Station, naroon ang suspek na isang menor de edad kasama ang ilang kaibigan nang lapitan umano sila ng isang grupo ng mga kabataan na kinabibilangan ng dalawang biktima.

Ayon sa imbestigasyon, nauwi sa suntukan ang insidente matapos umanong sugurin at suntukin ng grupo ang suspek at ang kasama nito. Nang mapunta sa gilid ng auditorium at makorner, kumuha umano ang suspek ng kutsilyong dala nito at sinaksak ang dalawang kabataang humabol sa kanya.

--Ads--

Nagtamo ng mga sugat sa dibdib at iba pang bahagi ng katawan ang dalawang biktima. Agad silang dinala sa Mapandan Community Hospital bago inilipat sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City para sa karagdagang gamutan.

Sa panayam kay PMAJ Vincent Jasper B. Magsarili, Officer-in-Charge ng Mapandan Municipal Police Station, sinabi nitong parehong labinlimang taong gulang ang mga biktima at nasa stable na ang kanilang kondisyon. Ang isa sa kanila ay nakalabas na ng ospital, habang ang isa naman ay nananatili pa roon para sa gamutan.

Samantala, narekober ng mga pulis ang hinihinalang ginamit na sandata na isang kitchen knife na may habang humigit-kumulang dalawampu’t dalawang sentimetro. Natagpuan din ang suspek sa Barangay Apaya, Mapandan, sa isinagawang follow-up operation sa tulong ng ina nito.

Dinala ang menor de edad sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon bago ipinasa sa Women and Children Protection Desk at iniugnay sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa nararapat na paghawak alinsunod sa batas.

Patuloy namang iniimbestigahan ng Mapandan Police ang motibo sa insidente, kabilang ang posibleng kaugnayan ng naunang alitan ng dalawang pamilya.