Binalaan ng lokal na pamahalaan ng San Carlos City ang mga gasolinahang hindi sumusunod sa ipinag-utos na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ng Department of Energy o DOE.
‎
‎Ito ay kasunod ng isinagawang fuel price monitoring ng Fuel Price Monitoring Task Force sa mga gasolinahan sa lungsod upang matukoy kung tama ang presyong ipinapatupad ng mga ito.
‎
‎Batay sa inilabas na pahayag ng lokal na pamahalaan, sinimulan ang inspeksyon isang araw bago ito matapos ngayong araw, at kabilang sa mga sinusuri ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bawat gasolinahan.
‎
‎Isusumite naman sa DOE ang nakalap na presyo at padadalhan ng sulat ang mga gasolinahang hindi sumusunod sa itinakdang presyo.
‎
‎Ang mga mapatutunayang hindi sumusunod ay irerekomenda sa DOE para sa kaukulang aksiyon at posibleng parusa, kabilang ang pagbawi ng permit at pagpapasara ng establisimyento, alinsunod sa batas.
‎
‎Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng hakbang na matiyak na naipatutupad ang tamang presyo ng mga produktong petrolyo at hindi na madagdagan ang pasanin ng mga mamimili na umaasa sa bawat rollback sa presyo ng langis.