Timbog ang isang 40-anyos na fruit and vegetable dealer matapos makuhanan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱47,600 sa bisa ng search warrant sa Barangay Caloocan Sur, Binmaley.
Pinangunahan ng Binmaley Municipal Police Station (MPS), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1, ang operasyon laban sa suspek na residente ng nasabing barangay at nahaharap sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakuha mula sa tahanan ng suspek ang anim na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng tinatayang pitong gramo ng hinihinalang shabu. Batay sa Standard Drug Price, umaabot sa ₱47,600 ang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga.
Bukod sa hinihinalang shabu, nakumpiska rin ang iba’t ibang kagamitang hinihinalang ginagamit sa ilegal na droga, kabilang ang isang weighing scale, apat na lighter, 14 na piraso ng aluminum foil, 110 bakanteng plastic sachet, dalawang gunting at isang improvised measuring device.
Narekober din ng mga operatiba ang dalawang coin purse at isang plastic ice bag bilang bahagi ng mga ebidensyang nakuha sa isinagawang operasyon.
Dinala ang naarestong lalaki at ang lahat ng nakumpiskang ebidensya sa Binmaley MPS para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon, habang inihahanda ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.










