Pinuna ng Bagong Alyansang Makabayan ang paghahanda ng gobyerno sa ASEAN Leaders Summit, dahil anila ay nagdulot ito ng malaking perwisyo bago pa man dumating ang mga dayuhang lider. Ayon kay BAYAN Secretary General Raymond de Vera Palatino, nagkaroon ng daan-daang kanseladong flights, road closures, at pagtataboy sa maliliit na manininda sa Pasay at Parañaque, habang tinatago umano ang kahirapan sa pamamagitan ng clearing projects.

Binatikos din ng grupo ang paggastos ng bilyun-bilyong piso para sa summit, na anila ay mas dapat inilaan sa serbisyong panlipunan. Ayon kay Palatino, hindi katanggap-tanggap na mabilis at magarbo ang pag-asikaso sa mga banyagang dignitaryo, habang mabagal naman ang serbisyo at atensyon sa pang-araw-araw na problema ng mga ordinaryong Pilipino.

Kaugnay ng pagdating ni US President Donald Trump, inilunsad ng grupo ang Trump Out campaign upang ipahayag ang pagtutol sa red carpet welcome para sa kanya. Ayon kay Palatino, dapat singilin si Trump sa epekto ng kanyang mga giyera sa presyo ng langis at bilihin sa buong mundo, at sa patuloy na pagdami ng US military bases sa bansa.

--Ads--

Tutol din ang BAYAN sa Pax Silica framework at sa Critical Minerals deal sa US, dahil anila ay magbubukas ito sa pandarambong ng likas na yaman ng Pilipinas. Nanawagan ang grupo na ibasura ang mga kasunduang ito at ilabas ng gobyerno ang mga negotiating terms, habang kasama nila sa protesta ang mga katutubo, lalo na ang mga Aeta na direktang maaapektuhan.

Sa huli, iginiit ng grupo na walang problema sa pagho-host ng ASEAN Summit o pagbisita ng mga dayuhang lider, ngunit kinukwestyon nila ang bilyong gastos para sa ilang araw na pulong at ang kawalan ng tunay na benepisyo para sa karaniwang Pilipino. Nanawagan sila sa publiko na magsalita laban sa Pax Silica, ipagtanggol ang lupang ninuno, at igiit na ireserba ang mineral resources para sa susunod na henerasyon.