Isinagawa kamakailan sa bayan ng San Nicolas ang isang mahalagang pagsasanay at oryentasyon ukol sa paglaban sa pang-aabuso at pagsasamantala upang palakasin ang kakayahan ng mga lokal na lider sa pagprotekta sa kapakanan ng kababaihan at kabataan.

Nakasentro ang aktibidad sa pagbibigay ng kaalaman tungkol sa Trafficking in Persons, Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC), at Child Sexual Abuse and Exploitation Material (CSAEM).

Layunin nitong masanay ang mga pinuno ng barangay at bayan sa mas mabilis at epektibong pagtukoy, pag-iwas, at pagtugon sa mga ganitong uri ng krimen.

--Ads--

Tinalakay sa nasabing pagsasanay ang mga pangunahing probisyon ng mga batas tulad ng Republic Act No. 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act), Republic Act No. 11930 (Anti-OSAEC and Anti-CSAEM Act), at Republic Act No. 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act).

Bukod sa legal na batayan, ibinahagi rin sa mga kalahok ang mga kapaki-pakinabang na impormasyon ukol sa mga palatandaan ng OSAEC, mga tamang hakbang sa pag-uulat at pagtugon sa mga kaso, pati na rin ang mga umiiral na programa para sa rehabilitasyon at muling pagsasama sa lipunan ng mga biktimang nakaligtas.

Layon ng lokal na pamahalaan na bumuo ng isang ligtas na pamayanan na nagsisimula sa mga mamamayang may sapat na kaalaman, mapagmatyag, at handang kumilos upang ipagtanggol ang karapatan ng bawat babae at bata sa San Nicolas.