Patuloy ang pagsasagawa ng Lingayen Police Station ng mga information drive at lecture sa mga paaralan upang maiwasan ang bullying, krimen at paggamit ng ilegal na droga sa hanay ng mga estudyante.
Ayon kay Police Major Mark Joel Medios, Deputy Chief ng Lingayen Police Station, regular silang nakikipag-ugnayan sa mga paaralan upang magbigay ng mga lecture tungkol sa anti-bullying, crime prevention at anti-drug awareness.
Katuwang din ng pulisya sa mga programang ito ang Bureau of Fire Protection at iba pang ahensiya ng lokal na pamahalaan ng Lingayen upang matugunan ang mga problemang maaaring mauwi sa karahasan sa loob ng paaralan.
Binigyang-diin ni Medios na mahalaga ang patuloy na pagtutulungan ng pulisya, mga paaralan at iba pang ahensiya upang mapalakas ang kaalaman ng mga estudyante tungkol sa pag-iwas sa bullying at iba pang uri ng karahasan.
Layunin ng mga programang ito na maagapan ang mga posibleng alitan at mapanatiling ligtas ang mga mag-aaral habang nasa loob ng paaralan.










