Umabot na sa 30 porsiyento ang nabawas sa biyahe ng mga pampublikong sasakyan sa Rehiyon 1 dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo, kawalan ng sapat na kita, kakulangan sa subsidya at mga balakid sa pagkuha ng tulong mula sa pamahalaan.

Ito ang inihayag ni Jessie Quiroz, Pangulo ng Cooperative Development Authority (CDA) Public Utility Cluster Region 1, sa isang panayam kaugnay ng kasalukuyang sitwasyon ng transport sector sa rehiyon.

Aniya na ang kanilang cluster ay mayroong mahigit 50 na public transport cooperatives, bukod pa sa electric at water cooperatives sa buong rehiyon.

--Ads--

Ayon kay Quiroz, noong unang pumalo sa mahigit ₱80 bawat litro ang presyo ng gasolina at krudo, pumatak sa 10 porsiyento ang nabawas sa kanilang operasyon dahil hindi na kayang tapalan ng daily collections ang gastusin sa krudo, pasahod sa mga drayber, at maintenance ng mga sasakyan.

Nang lalo pa itong tumaas hanggang ₱95, pumasok na sa halos 30 porsiyento ang nabawas na fleet sa buong bansa, kapwa sa mga modernized jeepney at tradisyunal na units.

Dahil sa mababang demand mula sa mga pasahero na apektado rin ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, napipilitan ang mga transport cooperative na magpatupad ng skeletal scheduling, lalo na tuwing Sabado at Linggo.

Aniya na ang ilang indibidwal na operators naman ay lumalabas lamang tuwing peak hours sa umaga at hapon upang hindi tuluyang maubos ang kanilang reserve funds, nagbabawas ng operational units ang mga kooperatiba araw-araw.

Malaki rin ang pangamba ng mga kooperatiba na tuluyang mahatak ng bangko ang kanilang mga modernized units kapag pumalya sila sa monthly amortization.

Binigyang-diin din ni Quiroz ang problema sa implementasyon ng ₱12 per liter fuel subsidy ng gobyerno.

Ayon sa kaniya, nagpapatupad ng cut-off ang mga gasolinahan tuwing 6:00 ng hapon, habang ang mga pampublikong sasakyan naman ay kailangang mag-refuel sa gabi pagkatapos ng biyahe.

Dahil hindi nagtutugma ang oras, maraming drayber at operator ang hindi nakakagamit ng subsidy.

Dagdag pa rito, mabagal din ang pamamahagi ng monthly financial assistance sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan nasa 3 hanggang 4 pa lamang sa mahigit 50 transport cooperatives sa Region 1 ang nakatanggap ng ayuda.

Sa kabila ng mga pagsubok sa sektor ng transportasyon, tinitiyak ni Quiroz na mananatiling prayoridad ng kanilang grupo ang pagbibigay ng maayos at maaasahang serbisyo sa kakalsadahan sa Rehiyon 1.