Makakatanggap ng ₱15 milyong pondo ang Pamahalaang Bayan ng Binmaley para sa rehabilitasyon at muling pagbangon mula sa mga kalamidad sa ilalim ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program (DRRAP).
Personal na dumalo si Mayor Pedro A. Merrera III sa seremonya ng paggawad ng tulong-pinansiyal na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang Palace noong Nobyembre 5, 2026.
Nagmula ang pondo sa FY 2026 National Disaster Risk Reduction and Management Fund – Disaster Rehabilitation and Recovery Assistance Program (NDRRMF-DRRAP), na naglalayong tulungan ang mga lokal na pamahalaang naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.
Bahagi ang nasabing halaga ng kabuuang ₱8.6 bilyong pondong inilaan ng pambansang pamahalaan para sa 306 lokal na pamahalaan na naapektuhan ng mga bagyo, lindol at pagputok ng Bulkang Kanlaon mula 2024 hanggang 2026.
Binigyang-diin ng pambansang pamahalaan ang pangangailangan ng maayos, tapat at responsableng paggamit ng pondo alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon upang matiyak na direktang mapapakinabangan ito ng mga komunidad.
Inaasahang makatutulong ang ₱15 milyong pondo sa pagpapalakas ng mga programa ng Binmaley para sa rehabilitasyon, paghahanda sa kalamidad at pagpapanumbalik ng mga pangunahing pasilidad at kabuhayan ng mga mamamayang naapektuhan ng mga sakuna.










