Minsang pagkakabagsak sa unang pagsusulit ang naging pangunahing inspirasyon ng Top 1 2026 Certified Public Accountant Licensure Examination (CPALE) na si Tyron Acuna.

Ayon kay Acuna, malaking hamon umano sa kaniyang paghahanda sa malaking pagsusulit ang pagdududa sa sarili, pagkabigo at matinding pressure dahilan upang may mga pagkakataong nawawalan umano siya ng pag-asa at kumpiyansa sa mga sagot sa mismong pagsusulit.

Bagama’t hindi naging madaling ang kaniyang paghahanda at ang mismong licensure examination, dito rin umano napagtanto ni Acuna na kailangan niyang pagbutihin pa ang kaniyang pag-aaral at panatilihin ang disiplina at pagiging consistent upang makamit niya ang kaniyang pangarap.

--Ads--

Samantala, malaki naman ang pasasalamat ni Acuna sa Kingfisgher School of Business and Finance at sa kaniyang review center na naging bahagi ng kaniyang paghahanda sa loob ng limang buwan at gayundin ang emosyonal na suporta, payo at paggabay ng kaniyang mga mahal sa buhay.

Pinayuhan naman ni Acuna ang mga future CPA na nakararanas rin ng pagduda at pagkabigo na kahit hindi palaging maganda ang proseso, magpatuloy lamang sa pag-aaral at mahalagang magkaroon din ng balanse sa pag-aaral, pakikisalamuha at pagbibigay ng panahon sa sarili upang maiwasan ang burn-out.

Wala pa umanong nakalatag na plano sa ngayon si Acuna dahil nais muna niyang ipagdiwang ang kaniyang tagumpay kasama ang kaniyang pamilya at mahal sa buhay.