Nanawagan ang National Public Transport Coalition (NPTC) sa Land Transportation Office (LTO) na tiyaking may sapat na kagamitan ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng mas mahigpit na polisiya laban sa pagmamaneho nang nakainom ng alak o drunk driving.

Ayon kay Ariel Lim, pangulo ng NPTC, isa sa mga pangunahing hamon sa pagpapatupad nito ang kakulangan ng breath analyzer na ginagamit upang matukoy ang antas ng alkohol sa katawan ng isang motorista.

Paliwanag ni Lim, kung walang ganitong kagamitan, kinakailangan pang dalhin sa ospital ang isang motorista upang masuri at mapatunayan kung nakainom ito at kung gaano kataas ang alkohol sa katawan.

--Ads--

Aniya, mahalagang may sapat na batayan ang mga awtoridad bago magpatupad ng kaukulang parusa.

Binigyang-diin din ni Lim na kailangang magkaroon ng disiplina ang mga motorista, partikular ang mga dumadalo sa mga pagtitipon at okasyong may inuman. Pinayuhan niya ang publiko na uminom nang katamtaman at iwasang magmaneho matapos uminom ng alak upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.

Dagdag pa niya, hindi dapat isantabi ang kaligtasan ng ibang motorista at mga pasahero dahil hindi lamang ang nakainom na drayber ang maaaring madamay sa anumang aksidenteng dulot ng pagmamaneho nang lasing.