Pasok sa Top 10 ng katatapos na Certified Public Accountant (CPA) Licensure Examination ang dalawang kabataan mula sa Pangasinan.
Kinilala ang mga ito na sina Razilee De Vera, 22-anyos mula sa bayan ng Mangaldan na nagtala bilang Top 7, at Lawrence Dave Macaraeg, 22-anyos mula sa bayan ng Malasiqui na Top 10 sa naturang pagsusulit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kapwa sinabi nina De Vera at Macaraeg na hindi pa rin nagsi-sink in sa kanila ang kanilang tagumpay dahil hindi nila inaasahan na mapabilang sa Top 10, bagkus ay makapasa lamang sa board exam ay sapat na sa kanila.
Ayon kay Razilee De Vera, nasa paaralan lamang siya nang biglang may nag-send sa kanilang group chat ng larawan ng Top 10, at doon lamang niya nakita ang kanyang pangalan. Saka lamang niya ito sinabi sa kanyang mga magulang.
Si Lawrence Dave Macaraeg naman ay naghihintay mula pa noong umaga ng resulta ng eksaminasyon habang nanonood ng series at pelikula. Bandang alas-sais ng gabi nang lumabas ang resulta at una niyang hinanap ang kanyang pangalan sa mahabang listahan ng mga pumasa bago niya nakita ang kanyang pangalan sa listahan ng Top 10.
Parehong nagtapos at magkaklase ang dalawa sa Kingfisher School, na nagtala ng 100 porsyentong passing rate ngayong taon kung saan 53 estudyante mula sa kanilang paaralan ang pumasa.
Ibinahagi nina De Vera at Macaraeg na nag-review sila sa Maynila at malaki ang naitulong nito dahil na-bridge umano nito ang gap sa pagitan ng kaalaman noong kolehiyo at kaalaman para sa board exam. Anila, malaki ang naitulong ng pre-board examinations dahil nire-reflect nito ang aktwal na board exam.
Ayon kay Macaraeg, ang pinakamahirap sa kanilang journey ay ang pagpo-focus sa pagrereview na nagsimula pa noong Hunyo, na isang mahabang panahon kaya dumarating sa punto na kailangang magpahinga.
Sa ngayon ay nagpapahinga pa ang dalawa matapos ang board exam ngunit mayroon na silang natanggap na mga alok na trabaho at nakatakda nang magsimulang magtrabaho sa ikatlong linggo ng Nobyembre bilang auditor sa isang audit firm.
Nagbigay din ng payo ang dalawa sa mga kabataan. Ayon kay Razilee De Vera, sa kabila ng mga uncertainties at doubts na hindi makokontrol, mahalagang mag-show up pa rin. Ayon naman kay Lawrence Dave Macaraeg, kapag nawawalan na ng gana sa pag-abot ng pangarap ay alalahanin lamang ang purpose kung bakit nagsimula upang makapagpatuloy.
Nagpasalamat naman ang dalawa sa kanilang mga magulang, pamilya, kaibigan at mga sumuporta sa kanilang pag-aaral at review, kabilang ang kanilang mga lolo at lola na sina Nanay Ming at Tatay Tin at ang kanilang mga magulang na sina Mama Josephine at Papa David para kay Lawrence at Mama Anita at Papa Reynaldo para kay Razilee.










