Ligtas at walang naitalang nasaktan o nasawi matapos sumiklab ang isang sunog na umabot sa ikalawang alarma sa Zone 5, Barangay San Vicente sa bayan ng Alcala
noong kasagsagan ng Undas, Nobyembre 1, 2026.

Sa panayam kay SFO4 Garymar L. Laguna, Acting Municipal Fire Marshal ng Alcala Municipal Fire Station, kumpirmadong sa kabila ng mabilis na pagkalat ng apoy at pag-akyat ng alarma, walang pamilya o residente ang nasugatan o nasawi sa insidente.

Aniya naganap ang sunog sa isang bahay na dalawang palapag na ancestral house na pagmamay-ari ng pamilya Oria kung saan dalawang senior citizen umano ang nakatira.

--Ads--

Nabatid na walang tao sa loob ng bahay nang sumiklab ang apoy dahil dumako sa sementeryo ang pamilya upang bisitahin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Naging mabilis umano ang pagkalat ng apoy sa ikalawang palapag ng tahanan na gawa sa light materials ngunit nagsimula umano ang apoy sa unang palapag.

Dahil dito, idineklara ang ikalawang alarma (2nd alarm) na kinailangan ng augmentation at tulong mula sa mga kalapit na istasyon gaya sa Bautista at Bayambang Fire Stations.

Dahil sa mabilis na pagresponde at pagtutulungan ng mga bombero, naideklarang under control ang sunog matapos ang humigit-kumulang 35 minuto, at pinalad ding hindi na nadamay ang mga kalapit na bahay.

Pagbabahagi nito na partially damage lamang ang nangyari sa bahay at kasalukuyan pang pinag-aaralan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Alcala ang sanhi ng sunog, habang tinatantya sa ₱50,000 ang paunang pinsala nito sa ari-arian.

Samantala, Ito na ang ika-12 insidente ng sunog na naitala sa bayan ng Alcala ngayong taon.