Mahigpit ang monitoring na ipinatutupad ng slaughterhouse laban sa African Swine Fever o ASF.
Ayon kay Aris Morales ng slaughterhouse master sa bayan ng Mangaldan, bago pa man ipasok ang mga baboy sa katayan, hinahanapan muna ang mga ito ng mga kaukulang dokumento tulad ng Veterinary Health Certificate, Shipping Permit na dumaan sa quarantine area, at ASF-Free Certificate lalo na kung galing sa farm.
Aniya, ang mga baboy na nasa yellow zone ay nangangahulugang walang naitalang apektado ng ASF.
Dalawa naman ang proseso na dinadaanan ng baboy – ang antemortem inspection o pagsusuri bago katayin, at ang postmortem inspection matapos katayin upang matiyak na ligtas at malinis ang karneng ibebenta sa palengke.
Pawang mga baboy mula sa Pangasinan din ang kinakatay sa naturang slaughterhouse, mula sa backyard at mga farm, na karamihan ay pagmamay-ari ng mga kapitalista na nagdadala ng kanilang karneng baboy sa mga palengke sa Pangasinan at maging sa Dagupan City.
Sa ngayon, nasa 40 hanggang 45 heads ang average na bilang ng kinakatay kada araw na maituturing na normal.
Tiniyak din ng opisyal na sapat ang stock ng baboy ng mga kapitalista, lalo na sa nalalapit na holiday season gaya ng Pasko at Bagong Taon.
Samantala, kaugnay naman sa usapin ng pagbabawal ng importasyon ng karneng baboy, wala pa anyang ibinababang guidelines ang National Meat Inspection Service o NMIS sa kanilang tanggapan.










