Pinaigting ng Urdaneta City Police Station ang pagbabantay sa Bypass Road upang maiwasan ang ilegal na drag racing at mga aksidente, kasunod ng mga insidenteng naitala sa lugar.
Ayon kay PLtCol. Jeofrey Sanchez, officer-in-charge ng Urdaneta City PNP, ipinatutupad ang programang Let’s Bolt In tuwing Biyernes, Sabado at Linggo sa koordinasyon ng mga opisyal ng barangay. Kabilang sa nagbabantay ang mga pulis, Public Order and Safety Office (POSO) personnel at mga kinatawan ng barangay.
Sinabi ni Sanchez na may mga menor de edad mula sa ibang bayan na sumasali sa karera, habang marami rin ang lumalabag sa mga patakaran sa pagmomotorsiklo. Kabilang dito ang hindi pagsusuot ng helmet, kawalan ng side mirror at reflectorized vest, at paggamit ng mga ipinagbabawal na kagamitan.
Nag-iisyu ang mga awtoridad ng citation ticket sa mga lumalabag, na kailangang bayaran sa loob ng tatlong araw. Kapag hindi ito nabayaran, isusumite ang kaso sa Land Transportation Office (LTO) para sa kaukulang aksiyon.
Ayon pa kay Sanchez, nakatanggap sila ng positibong tugon mula sa mga residente matapos ang pinaigting na operasyon. Nababawasan umano ang ingay mula sa mga karera, kaya mas nagiging maayos ang pahinga ng mga nakatira malapit sa Bypass Road.
Muling pinaalalahanan ng Urdaneta PNP ang mga motorista na sumunod sa batas-trapiko at gumamit ng kumpletong safety gear, kabilang ang helmet at reflectorized vest, upang maprotektahan ang kanilang sarili at maiwasan ang mga aksidente.










