Sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 ang isang drug den sa Barangay Poblacion Weste, Dagupan City na malapit sa isang pamantasan.

Ito ang kinumpirma ni Director II Julius Paderes ng PDEA Region 1 sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, bilang development ng sunod-sunod na operasyon ng ahensya sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Paderes, bunga ng buy-bust operation ang pagkakadiskubre ng drug den kung saan anim na personalidad ang naaktuhang gumagamit ng ilegal na droga.

--Ads--

Limang katao ang nahuli habang isang katao naman ang nakatakas at kasalukuyang at-large.

Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 9.5 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug value na P64,600 at iba’t-ibang drug paraphernalia.

Sa ngayon ay pinoproseso na ang mga nahuli at mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, 6, 7, 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay Paderes, kabilang sa mga nahuli ang maintainer ng drug den, mga empleyado nito at mga bisita.

Aminado ang opisyal na nakakabahala ang pagkakaroon ng drug den na malapit sa isang pamantasan sa Dagupan City, kaya’t patuloy ang kanilang monitoring sa mga kahalintulad na pasilidad.

Kaugnay nito, kasunod lamang ang operasyon sa Dagupan ng nauna nang malaking operasyon sa Barangay Aserdam, Mapandan, Pangasinan kung saan nasakote ang isang aktibong pulis na may ranggong Police Chief Master Sergeant.

Ang nasabing pulis ay halos dalawang dekada na sa serbisyo at nakatalaga mismo sa Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Pangasinan na siyang unit na nakatutok sa pagsugpo ng ilegal na droga.

Nakumpiska sa kanya ang 812.8 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5.5 milyon at mga hindi lisensyadong baril sa kanyang tirahan at sasakyan.

Ayon kay Paderes, mahigit isang buwan ang ginugol sa validation at intelligence gathering bago nakakuha ng search warrant mula sa korte.

Hindi pa aniya makapagbigay ng detalye sa lawak ng network ng nasabing pulis dahil patuloy pa ang follow-up investigation upang hindi maapektuhan ang kaso, ngunit siniguro niyang solid ang ebidensya at hindi makakalusot ang suspect.

Tiniyak ng PDEA Region 1 na tuloy-tuloy ang kanilang tahimik na pagtatrabaho at mataas ang kanilang prosecution at conviction rate.